Inilatag Ni Kij Cabardo
Inilatag Ni Kij Cabardo.

58th: Hustisyang pilit ibinabaon


Muling hukayin ang nakaraan sapagkat ang katotohanan ay nabubunyag ng karapatang ipinaglalaban.


By Kate Solinap | Monday, 23 November 2026

Sa opisyal na tala ng korte, huminto sa 57 ang bilang ng mga nasawi, ngunit kahit lumipas man ang 17 taon, hindi mabubura ang pangalan ng ika-58.  Mula sa direksyon ni Carl Joseph Papa, ang dokyumentaryong animasyon na 58th ay nagbibigay-boses sa hustisyang hinihingi para sa ika-58 na biktimang si Reynaldo “Bebot” Momay, isa sa mga pinaslang sa Maguindanao massacre noong ika-23 ng Nobyembre 2009.

 

Sa loob ng 58 na biktima, 32 doon ay mga mamamahayag na magkokober ng paghahain ng kandidatura ni Esmael Mangudadatu bilang gobernador ng Maguindanao laban sa makapangyarihang angkan ng mga Ampatuan—ang pangunahing itinuturong utak sa likod ng kasuklam-suklam na pangyayari. Ngunit bilang isang mamamahayag na nais lamang gawin ang kanyang trabaho, hindi niya inaakalang ang Press ID na kanyang suot na nagsisilbing kanyang proteksyon ay hindi mapipigilan ang masalimuot na pagpatay sa kanilang lahat.

 

Nang mabalitaan nina Reynafe “Nenen” Momay-Castillo ang pangyayari sa Maguindanao ay agad siyang dumayo sa munisipyo para kumpirmahin ang pagkamatay ng kanyang ama. At nang kanyang makita ang pangalang Momay sa listahan ay doon niya napagtagpi-tagpi ang lahat kung bakit hindi pa nakakauwi ang kanyang ama sa kanilang tahanan.

 

Paghuhukay sa katotohanan

Upang mahanap ang katawan ni Bebot, pumunta ang pamilya niya sa lugar kung saan sapilitang ibinaon ang mga nasawi, ngunit isang kagulat-gulat na eksena ang kanilang nadatnan. Ang mga bangkay ay hinuhukay gamit ang isang backhoe, dahilan upang mas lalong masira ang mga katawang nagsisimula nang maagnas. Naapektuhan din nito ang pagsisiyasat sa autopsy dahil hinuhukay ang mga labi na para bang hindi sila kailanman nabuhay sa mundong ito. Bukod dito, kinokolekta ng ilang mga opisyal ang mga labi nang walang gloves at  gumagamit lamang ng tissue, na tila binabalewala ang masusing paghahanap sa tunay na dahilan ng pagkamatay ng mga biktima.

 

Walang magawa ang pamilya ni Nenen kundi maghintay at isa-isahin ang bawat bangkay upang hanapin ang kanyang ama. Umabot sa puntong kinailangan nilang silipin ang bangkay na inaangkin ng ibang pamilya dahil nakatakip dito ang jacket ni Bebot. Naging desperado sila dahil habang umaagnas na ang mga nahukay na katawan, ang katawan ni Bebot ay nananatili pa ring nawawala.

 

Huminto ang paghuhukay sa bilang na 57. Nasa ilalim pa ng lupa si Bebot nang itigil ang operasyon—dahilan upang hindi maisama ang kanyang pangalan nang hatulang guilty ang mga Ampatuan noong 2019, at maiwang naghihintay ang kanyang pamilya sa death certificate at pagkilala ng korte. 

 

Pagbabakas sa buhay ng isang tao

Dahil kilala si Papa sa kanyang mga dokyumentaryong animasyon, ang pelikulang ito ay ginamitan ng rotoscope animation upang isadula ang mga pangyayaring hindi naitala at bigyan ng boses ang mga biktimang nagdadalamhati. Hinahaluan din ito ng mga aktuwal na archive clips mula sa insidente upang ipaalala sa mga manonood na ang trahedyang ito ay hindi lamang kathang-isip ng pamilya ni Nenen, kundi isang buhay at totoong dalamhati.

 

Ang rotoscope ay isang uri ng animasyon kung saan binabakas ng mga artist ang bawat frame ng live-action bidyo upang makabuo ng estilado at makatotohanang paggalaw ng mga karakter. Ngunit dahil sa natatanging istilong ito at sa paglaganap ng mga AI-generated na mga palabas online, nabahala ang ilang netizens at inakalang isa lamang itong live-action na nilapatan ng AI filter. Subalit ang bawat frame ng pelikulang ito ay bunga ng mano-manong sining ng mahigit isandaang animators.

 

Pinagbidahan ang pelikula ng pagganap at pagbibigay-boses nina Glaiza de Castro at ng yumaong si Ricky Davao, katuwang sina Mikoy Morales, Bibeth Orteza, at iba pang sumusuportang aktor. 

 

Bawat detalye ay pinag-isipang mabuti—mula sa masining na paggamit ng kulay, malinis na transisyon gamit ang animation, at matatapang na camera angles na naglantad sa pighati at katatagan ng bawat karakter, hanggang sa ekspresyon ng mukha at kilos ng mga artista na nagsilbing gabay ng mga animators upang maayos nila itong magawa kung saan sumasalamin ang tunay na emosyon ng bawat karakter. 

 

Isinaalang-alang din ng produksyon kung aling mga kuha ang maaaring ipalabas bilang raw video o gagawing animated dahil may iilang eksenang lubhang maselan at hindi papasa sa pamantayan ng MTRCB. Dahil din sa sensitibong paksa nito, naging mahigpit ang MTRCB sa pagpapalabas ng pelikula, kaya nabigyan lamang ito ng pitong araw na ipalabas sa iisang sinehan—Setyembre 16 hanggang 22 sa Shangri-La Plaza Red Carpet Cinemas, Mandaluyong.

 

Sakit ang daling makalimot

Ang pangyayaring ito ay walang katapusang bangungot sa buhay nina Nenen. Kanyang nabanggit sa pelikula na pagkatapos hanapin ang katawan ng kanyang ama ay may mga pagkakataong nakikita niya pa rin sa kaniyang isipan ang bawat mukha ng mga bangkay na kanyang sinilip upang kumpirmahin ang katawan nito. 

 

Ang 58th ay hindi isang simpleng dokyumentaryo tungkol sa buhay ng isang mamamayan, kundi isang panawagan laban sa pinsala ng kakulangan ng sistema sa mga ordinaryong Pilipino. Ilang taon matapos ang masaker ay nanalo pa rin ang anim na miyembro ng angkan ng mga Ampatuan sa taong 2013 bilang alkalde sa iba’t ibang bayan sa Maguindanao. Habang nakabalik na sa puwesto ang kanilang dinastiya, ang pamilya ni Nenen ay naghihintay pa rin sa hustisya.

 

Inilantad din nito ang matinding panganib na kinakaharap ng mga mamamahayag sa Pilipinas. Bilang tagapagtanggol ng karapatan ng katotohanan, ang kanilang Press ID ang nagsisilbi nilang sandata, ngunit kung pati ito ay hindi na iginagalang, sino na ang magtatanggol sa kanila?

 

Ang pelikulang ito ay kumakatok sa alaala at konsensya kung ano ang dapat tandaan ng mga mamamayan sa araw-araw na pamumuhay. Marapat lamang na magtanong at lumaban—sa bawat sistemang nananatiling bingi, bawat pagkukulang ng mga pinunong dapat naglilingkod sa bayan, at sa bawat hustisyang hanggang ngayon ay nakabaon pa rin sa lupa.