Dibuho Ni Rafaiel Joaquin Mangubat
Dibuho Ni Rafaiel Joaquin Mangubat.

Sa likod ng mabubuting balita


Ang malayang pamamahayag ay hindi lamang nasusukat sa kakayahang magsalita, kundi sa tapang na isulat ang mga kuwentong mahalagang mapag-usapan. #NationalCampusPressFreedomDay


By Jewel Mae Jose | Friday, 24 July 2026

Paano kung ang pinakamahalagang balita sa paaralan ay hindi pala ang pinakamadalas nating nababasa?

 

Sa bawat pagkakataong may estudyanteng nag-uuwi ng medalya, organisasyong kinikilala sa pambansang kompetisyon, o programang matagumpay na naisasagawa, mabilis itong nagiging tampok sa mga opisyal na anunsiyo at balita. Mahalaga ang mga kuwentong ito dahil kinakatawan nito ang mga tagumpay na bunga ng sipag at sama-samang pagsisikap ng komunidad. Ngunit sa likod ng bawat mabuting balita ay may iba pang mga kuwentong hindi gaanong nabibigyan ng pansin—mga polisiyang may direktang epekto sa mga estudyante, o kaya nama’y mga problemang matagal nang hinihintay na mapakinggan. Sa paggunita ng National Campus Press Freedom Day, muling inaalala ang mas malawak na tungkulin ng campus press: maging tagapaghatid ng mga katotohanang makatutulong sa paghubog ng isang mas responsable at mas mapanagutang akademikong komunidad.

 

Pagbabalitang may pananagutan

Hindi maikakailang mahalagang bahagi ng campus journalism ang pagbibigay-pugay sa mga tagumpay ng paaralan. Ito’y nagsisimulang opisyal na tala ng mga natatanging ambag ng mga mag-aaral, guro, at organisasyon sa loob ng pamantasan. Gayunpaman, hindi rito nagtatapos ang papel ng mga manunulat. Kinikilala mismo ng Republic Act No. 7079 o Campus Journalism Act of 1991 na tungkulin ng estado na itaguyod at pangalagaan ang kalayaan sa pamamahayag maging sa antas ng paaralan upang mapaunlad ang kritikal at malikhaing pag-iisip ng kabataang Pilipino. 

 

Bahagi rin ng mandato nito na hikayatin ang mapanuring pag-iisip at responsableng pakikilahok ng mga estudyante sa mga usaping nakaaapekto sa kanilang komunidad. Sa maraming pagkakataon, mas madaling mailathala ang mga balitang tungkol sa mga bagong proyekto, pagkapanalo sa mga kompetisyon, o mga programang matagumpay na naisagawa. Samantala, ang mga ulat hinggil sa mga suliraning nararanasan ng mga estudyante ay madalas na nangangailangan ng masusing beripikasyon at mas malalim na pag-uulat. 

 

Ngunit hindi nangangahulugang mas mababa ang halaga ng mga ito. Sa katunayan, ang mga kuwentong nagtatanong at nagsusuri ang kadalasang nagbubukas ng mga pag-uusap na humahantong sa mga konkretong pagbabago.

 

Ang kahalagahan ng malayang pamamahayag

May mga pagkakataong hindi ang maling impormasyon ang nagiging problema kundi ang kawalan ng impormasyon. Kapag ang mga usaping mahalaga sa komunidad ay hindi nailalathala, nawawala rin ang pagkakataong mapag-usapan at mabigyan ng kaukulang tugon ang mga ito. Hindi ito nangangahulugang dapat maging negatibo ang campus press. Sa halip, dapat nitong maipinta ang buong larawan ng buhay sa loob ng paaralan—ang mga tagumpay na dapat ipagdiwang at ang mga hamong dapat pag-usapan.

 

Patuloy na nananawagan ang iba’t ibang pahayagan at organisasyon ng mga student journalists para sa pagpapatibay ng Campus Press Freedom Act upang higit pang maprotektahan ang mga publikasyon laban sa censorship, harassment, at iba pang anyo ng panghihimasok. Hindi bago ang usaping ito. Sa mga nakalipas na taon, ilang student publications ang nakaranas ng mga isyung may kaugnayan sa editorial independence at administrative interference. Dahil dito, patuloy ding ipinapaalala ng mga organisasyon na ang malayang pamamahayag ay karapatan ng buong komunidad na magkaroon ng sapat at makatotohanang impormasyon.

 

Tulay tungo sa pananagutan

Hindi kalaban ng administrasyon ang campus press. Hindi rin nito layuning sirain ang reputasyon ng isang institusyon. Ang tunay na layunin nito ay magsilbing tulay sa pagitan ng mga estudyante at ng mga may kapangyarihang gumawa ng mga desisyong nakaaapekto sa kanila.

 

Ayon sa UNESCO, ang malayang pamamahayag ay mahalagang salik sa pagtataguyod ng tapat at aktibong pakikilahok ng mamamayan sa mga demokratikong lipunan. Bagama’t kadalasang iniuugnay ito sa pambansang midya, hindi nalalayo ang prinsipyong ito sa antas ng paaralan. Sa panahong mabilis ang pagkalat ng impormasyon, higit na mahalaga ang isang publikasyong tumutulong sa komunidad na maunawaan kung bakit mahalagang pag-usapan ang mga isyung madalas na naiiwasang talakayin.

 

Sa huli, ang kalayaan sa pamamahayag ay higit pa sa karapatang maglathala—ito ay pananagutang tiyaking may puwang ang magkakaibang tinig at may pagkakataong mapag-usapan ang mga isyung may tunay na epekto sa paaralan. Sa paggunita ng National Campus Press Freedom Day, nawa’y magsilbi itong paalala na ang bawat kuwentong isinusulat—maging ito man ay tungkol sa tagumpay o hamon—ay may kakayahang magpalawak ng kamalayan, magpatibay ng pananagutan, at mag-ambag sa pagbuo ng isang mas mapanuring pamayanang akademiko.

Last updated: Friday, 24 July 2026