Dibuho Ni Hann Botona
Dibuho Ni Hann Botona.

Ang paglimbag ng kalayaan


Ang bawat beripikadong balita sa paaralan ay bunga ng ipinaglaban—at patuloy na ipinaglalaban—ng mga estudyanteng mamamahayag. Sa gitna ng paglaganap ng mga hamon na ikinahaharap nila, paano natin patuloy na maipagtatanggol ang campus press freedom?


By Jewel Mae Jose, and Kate Solinap | Saturday, 25 July 2026

Responsableng pamamahayag—iyan ang layunin ng bawat mamamahayag. Hindi lamang ito limitado sa paglathala ng tamang impormasyon, kundi ang panatilihin ang kalayaang magsulat, magpahayag, at ipagtanggol ang katotohanan.

 

Sa panahong patuloy na nahaharap sa iba’t ibang anyo ng panunupil ang malayang pamamahayag sa bansa, nananatili ring hamon ang pagtatanggol sa campus press freedom sa loob ng mga paaralan. Kung may isang bagay na matagal nang ipinaglaban ng mga mag-aaral, ito ay ang karapatang magsalita at magsulat nang malaya. Hindi ito basta lamang ibinigay, bagkus ay bunga ito ng patuloy na paninindigan ng mga estudyanteng mamamahayag na tumangging magpatahimik sa gitna ng sensura, panghihimasok ng administrasyon, pagbabanta, red-tagging, at iba pang pagtatangkang pigilan ang paglalantad ng mga isyung dapat malaman ng komunidad. Bagaman kinikilala ng Campus Journalism Act of 1991 ang karapatan sa malaya at responsableng pamamahayag sa loob ng mga paaralan, nananatiling hamon ang ganap na pagpapatupad nito sa maraming institusyon. Sa bawat balitang nailalathala, nakaukit ang mahabang kasaysayan ng pakikibaka ng campus press upang mapanatili ang karapatang magsulat nang walang takot at magsilbi sa komunidad sa pamamagitan ng tapat at responsableng pamamahayag.

 

Pagpapatahimik sa midya

Ang bawat makabuluhang impormasyong dapat malaman ng masa ay dapat mabunyag. Bagama’t ginarintayahan ng Republic Act No. 7079 ang kalayaan ng campus journalism, nananatiling hamon pa rin ang panghihimasok sa kanilang kalayaang editoryal. May mga pagkakataong ang mga sulatin o maging ang mga midyang tumatalakay sa sensitibong usapin ay pinakikialaman, binabago, o tuluyang pinipigilan na mailathala at mailimbag. Kaya naman, ang kakayahan ng mga estudyanteng maghatid ng makatotohanang impormasyon sa komunidad ay nalilimitahan.

 

Noong Pebrero 2024, maraming nabahala sa nangyari sa TomasinoWeb dahil sa umano’y sensurang  natanggap mula sa Office for Student Affairs (OSA) ng University of Santo Tomas (UST). Ayon kay Leo Laparan, dating adviser ng publikasyon, inatasan ang publikasyon na alisin ang isang larawang inilathala nito at maglabas ng pampublikong paghingi ng paumanhin, sa kabila ng paniniwalang wala itong nilalabag na pamantayan. Dahil dito, itinigil ng TomasinoWeb ang operasyon ng kanilang mga social media platform bilang protesta. Nakibaka rin ang mahigit pitong daang alumni ng UST, kabilang ang mga dating miyembro ng iba’t ibang publikasyong pangkampus. Sila’y naglunsad ng isang website upang tuligsain ang umano’y takedown order ng OSA. Ang pangyayaring ito ay halimbawa ng sensura at panghihimasok sa kalayaang editoryal ng mga publikasyong pangkampus, kung saan hindi lamang karapatan ng mga mamamahayag ang natapakan kundi pati na rin ang karapatan ng komunidad na makatanggap ng malaya, makatotohanan, at makabuluhang impormasyon. 

 

Kapalit ng katotohanan

Mahigit tatlong dekada na matapos maipatupad ang Campus Journalism Act of 1991, ngunit patuloy pa ring nababalita ang mga kaso ng pananakot, online harassment, at red-tagging na nagbabanta sa mga publikasyong pangkampus at mga mamamahayag ng mga kritikal na ulat. Dahil sa mga kaganapang ito, ilan sa mga mamamahayag ay nagdadalawang-isip sa paglalathala ng mga balitang maaaring maglagay sa kanila sa panganib.

 

Ayon sa Human Rights Foundation (HRF), ang red-tagging ay ang pag-uugnay sa mga mamamayan sa mga armadong grupong komunista na walang sapat na batayan. Nabanggit ng Reporters Without Borders (RSF) na ang mga mamamahayag na nag-uulat ng mga sensitibong usapin ay iniuugnay sa salitang “subersibo” o “terorista.” Subalit madalas man itong nagsisimula sa akusasyon, maaari rin itong humantong sa mga aksyong lumalabag sa karapatang pantao. Ang nabibiktima nito ay maaaring makaranas ng pagbabanta, pagmamanman, at maging karahasan. Dahil nalalagay sa panganib ang kaligtasan at buhay ng mga taong namamahayag, nababanggit na ang red-tagging ay isang “license to kill.” 

 

Dahil sa mga banta at panggigipit, nababalot ng takot ang mga mamamahayag, na nagiging dahilan ng kanilang pananahimik. Bunga nito ang pagkawala rin ng pagkakataon ng buong komunidad na malaman ang mga isyung dapat nilang maunawaan. Kung kaya’t ang pagtatanggol sa campus press freedom ay hindi lamang usapin sa loob ng organisasyon kundi usapin sa pagpapanatili ng katotohanan at pananagutan sa loob ng ating mga paaralan.

 

Ang presyo ng kakulangan 

Hindi lamang panghihimasok at pananakot ang nagiging hadlang sa campus press freedom. Sa likod ng bawat nailalathalang balita ay naroon din ang tahimik na pakikibaka laban sa kakulangan ng suporta at pagkilala sa kanilang ginagampanang papel sa loob ng paaralan. Maraming publikasyon sa loob ng paaralan ang patuloy na nagsasagawa ng kanilang tungkulin sa kabila ng kakulangan sa pondo at hindi sapat na oportunidad para sa pagsasanay. Ayon sa Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), mahalaga ang pagbibigay ng sapat na suporta sa mga campus journalists upang mapanatili ang kalidad at kalayaan ng kanilang tungkulin. Kapag hindi natutugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga publikasyon, nalilimitahan ang kakayahan ng mga estudyanteng mamamahayag na makapaghatid ng mas komprehensibong ulat para sa kanilang komunidad.

Higit pa sa kawalan ng materyal na kagamitan, ipinapakita rin ng kakulangan ng suporta ang patuloy na hamon sa pagkilala sa campus journalism bilang isang mahalagang bahagi ng edukasyon. Sa ilang pagkakataon, ang mga estudyanteng mamamahayag ay umaasa sa sariling inisyatiba upang pondohan ang mga operasyon at makakuha ng kagamitan. Ayon sa Tinig ng Plaridel, isa sa mga matagal na nitong hamon ay ang kakulangan ng sapat na pondo at institusyonal na suporta na maaaring makaapekto sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon.

Sa huli, ang pagsusulong ng malayang pamamahayag ay tungkulin ng buong komunidad upang mapanatili ang pagpapalaganap ng katotohanan. Sa bawat artikulong inilalathala, naipapakita ng mga mamamahayag ang kanilang responsibilidad na ihatid ang mga isyung nararapat na bigyang-pansin. Gayunpaman, sa gitna ng patuloy na pagharap sa sensura, pananakot, at kakulangan ng suporta, nananatiling hamon ang pagpapanatili ng ligtas na espasyo sa loob ng mga paaralan. Dahil dito, ang pagtatanggol sa campus press freedom ay pagkilala rin sa karapatan ng bawat estudyante na magkaroon ng akses sa impormasyon. Sa bawat boses na patuloy na lumalaban sa kabila ng mga hadlang, naipapakita na ang katotohanan ay hindi dapat supilin o patahimikin.