Layout By Kamille Castillo
Layout By Kamille Castillo.

Ang bahaghari ng nakaraan: Kasarian at pagkakakilanlan sa sinaunang Pilipinas


Ngayong #PrideMonth, magbalik-tanaw sa makulay na nakaraan ng Pilipinas bago ang kolonisasyon—mula sa kuwento ng mga Diyos, pinuno, hanggang sa mga karaniwang mamamayan.


By Sofia Agudo, and Kate Solinap | Thursday, 25 June 2026

Bago pa man dumating ang mga Kastila, ang konsepto ng kasarian sa Pilipinas ay sagrado at kapita-pitagan. Madalas itong nauugnay sa espirituwalidad, pagkakakilanlan, at buhay panlipunan sa mga pamayanang prekolonyal. Sa halip na ipatupad ang mahigpit na gampaning kasarian, kinilala ng maraming katutubong lipunan ang balanse ng mga katangiang pambabae at panlalaki at tinanggap ang malayang paghayag ng pagkakakilanlang kasarian sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan. Nagbigay-daan ito upang magampanan nila ang mahahalagang tungkulin sa kanilang mga komunidad bilang iginagalang na pinunong espirituwal, manggagamot, o mahahalagang miyembro ng lipunan, anuman ang kasarian.


Ang kasaysayan ng pagkakakilanlang pangkasarian sa Pilipinas ay bumalik pa sa mga siglo bago ang kolonisasyon at ang paglaganap ng Kristiyanismo. Makikita ang mga katangiang queer mula sa katutubong mitolohiya hanggang sa pang-araw-araw na buhay noong panahong prekolonyal.

 

Sinasalamin ng mga lipunang prekolonyal ang isang kulturang yumakap sa pagkakaiba-iba at nagkaroon ng mas malalim na pagkakaunawa at pagpapahalaga sa kasarian at sekswalidad. Hindi limitado sa pagkakakilanlan at pagpapahayag ng kasarian ang katayuan ng isang tao sa lipunan—bagaman ang mga may katangiang pambabae ay kadalasang humahawak ng mga posisyon ng impluwensya at paggalang. Ngunit nagbago ito noong panahon ng Kastila nang maipakilala ang mas mahigpit na pananaw sa kasarian, sekswalidad, at gampaning pang-kasarian sa lipunan na naiiba sa mga katutubong paniniwala.

 

Ang pagbabalik-tanaw sa kasaysayang ito ay nagpapakita kung paano nagkaroon ng iba't ibang anyo ang pagpapahayag ng kasarian at identidad sa panahong prekolonyal, at kung paano hinabi ang mga pagkakakilanlan na ito sa lipunan at kasaysayan ng bansa:

 

Babaylan

Ang mga Babaylan ay nagsilbing pinuno at tagapangalaga ng isang barangay noong sinaunang panahon. Karamihan sa kanila ay kababaihan pero kanila ring ipinakita ang mas malawak na pananaw tungkol sa kasarian at identidad, sapagkat mayroon ding mga kalalakihan, transgender, at intersex na naging Babaylan. Karaniwan din sa kanila ang cross-dressing para sa panahon ng mga ritwal dahil kanilang pinaniniwalaan nilang mas malapit ang enerhiya ng kababaihan sa mundo ng mga espiritu. Ang paggalang ng komunidad sa mga Babaylan ay higit pa sa kanilang kasarian o identidad, at buong pusong pinahalagahan ang pamumuno ng kanilang mga lider. 

 

Asog o Bayok

Ang mga Asog o Bayok ay mga kalalakihan sa sinaunang Visayas at Bikol na nagsusuot ng kasuotang pambabae, may mahabang buhok, at ginagampanan ang mga gawaing karaniwang iniuugnay sa mga kababaihan—tulad ng paghahabi at pananahi. Sila ay hindi inaasahang sumunod sa tradisyong panlalaki o pagiging isang mandirigma. Kahit ang kawalan ng tattoo (batok)—na karaniwang simbolo ng katapangan para sa mga lalaki noon–ay hindi kahiya-hiya para sa kanila. Sa halip, ito ay nagsilbing opisyal na pagkilala sa kanilang natatanging identidad na non-binary sa kanilang lugar.

 

Lakapati

Sa mitolohiyang Pilipino, ang Lakapati ay kilala bilang diyosa ng pagkamayabong, agrikultura, at kasaganaan. Dahil sa kaniyang kabutihan, pinaniniwalaang ipinagkaloob niya sa sangkatauhan ang kaalaman sa pagsasaka. Siya ay inilarawan bilang isang androgynous, intersex, o transgender na diyos. Maging sa mga sinaunang kuwento ng mga Pilipino, makikita na kinikilala, ginagalang, at tinatanggap na noon pa man ang iba’t ibang anyo ng kasarian at pagkatao. 

 

Ang kuwento nina Sidapa at Libulan

Sa mitolohiyang Bisaya, isinasalaysay ng kuwento nina Sidapa at Libulan ang pag-iibigan ng dalawang lalaking bathala. Si Sidapa, ang diyos ng kamatayan na naninirahan sa Bundok Madjaas, ay nabihag sa kagandahan ng mga diyos ng buwan. Upang ipahayag ang kaniyang pagmamahal, hiniling niya sa mga ibon, sirena, bulaklak, at alitaptap na gabayan sila patungo sa kaniya. Ang isa sa mga diyos ng buwan, si Libulan, ay sumunod sa landas ng mga alitaptap at nakilala si Sidapa—at ang dalawa ay nahulog sa isa’t isa. Ang kanilang relasyon ay binantaan ng paglamon ni Bakunawa sa buwan, ngunit pinrotektahan ni Sidapa si Libulan mula sa panganib, hanggang ang dalawang diyos ay namuhay nang magkasama bilang mag-asawa sa bundok ng Madjaas. Para sa mga Pilipinong bahagi ng LGBTQ+ sa henerasyon ngayon, nakikita nila si Libulan bilang simbolo ng queer identity at homoseksuwalidad.



Ang mga Tansug

Kinikilala ng iilang prekolonyal na komunidad ang mga pagkakakilanlan na lampas sa tradisyonal na kasarian ng lalaki at babae. Sa mga Tansug at iba pang grupo sa katimugang Pilipinas noon, may kinilala silang ikatlong kasarian na tinatawag nilang “bakla”. Ito ay mga indibidwal na itinalagang lalaki sa kapanganakan na nagpapahayag ng mga katangian at identidad na pambabae. Sa maraming pamayanan, nagkaroon sila ng mahahalagang tungkulin at nagsilbing mga manggagamot, babaylan, o mga pinunong espirituwal. Ginabayan nila ang mga seremonyang may kaugnayan sa panalangin, kapanganakan, kamatayan, at espirituwal na kagalingan—at sila’y kadalasang iginagalang sa parehong antas ng mga namumunong uri.

 

Mula sa mga Babaylan, Asog, Tansug hanggang sa kuwento nina Lakapati at Sidapa at Libulan, makikita na ang kasarian at sekswalidad ng isang tao ay sagrado at mahalagang bahagi ng pagkakakilanlan ng bawat isa. Ang iba’t ibang anyo ng kasarian ay matagal nang bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas at patuloy na binubuhay sa kasalukuyan. Sa kabila ng mga pagbabago sa ating kultura dulot ng kolonisasyon na nagbigay-daan para hamunin ng diskriminasyon, mahalagang balikan at pahalagahan na ang respeto ay higit sa kasarian ng isang tao. Sa mundong ibabaw, tayo ay pantay-pantay.