Ngayong Abril, muling nagbubukas ang hapag-kainan para sa pagdiriwang ng Buwan ng Kalutong Pilipino sa ilalim ng temang “Connected by Taste: Filipino Food in the Flavors of ASEAN.” Kaakibat ng pamumuno ng Pilipinas sa Samahan ng mga Bansa sa Timog-Silangang Asya (ASEAN) nitong 2026, inaanyayahan ang lahat ng Pilipino na pahalagahan ang mga tradisyonal na lutuing nag-uugnay sa Pilipinas sa mga kapitbahay nito sa Timog-Silangang Asya.
Ang bawat sangkap ay marka ng ating pakikibagay sa kalikasan at ang ating husay sa paggawa ng mga pagkaing humubog sa ating kultura at pagkakaugnay sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya.
Narito ang mga putaheng nagpapakita na ang ating kusina ay isang malawak na mapa ng kasaysayan at pakikipagkapwa:
Bringhe (Pampanga)
Bagaman madalas tawaging “Pinoy Paella” ang Bringhe ng Pampanga, ang pagkakakilanlan nito ay mas malapit sa Nasi Kuning ng Indonesia o sa Nasi Biryani ng Malaysia. Gawa ito sa malagkit na bigas na niluto sa gata ng niyog at luyang dilaw, at madalas ay hinaluan ng manok, itlog, gulay, at iba pang sangkap na makikita sa paella. Karaniwang hinahain ang bringhe tuwing may mga lokal na pagdiriwang o kaya tuwing Noche Buena.

Kulawo (Laguna)
Ang Kulawo ay isang pre-kolonyal na putahe mula sa Laguna na gawa sa tinadtad na puso ng saging o talong at maaaring ihambing sa isang salad. Mula sa salitang “kulaw” na tumutukoy sa proseso ng pagluluto sa paraang mausok, nakakaiba ang proseso ng paggawa ng Kulawo kumpara sa ibang bersyon dahil sa paggamit nito ng gata na kinukuha mula sa laman ng niyog na iniihaw muna sa uling bago pigain at ihalo sa iba’t ibang gulay.

Binakol (Kanlurang Visayas)
Matatagpuan ang Binakol—isang sabaw na may tamis at nakakaginhawang bango—sa mga kapuluan ng Kanlurang Visayas. Bukod-tangi ang paghanda nito dahil niluluto ang manok sa loob ng palayok gamit ang sariwang buko na sinasabayan ng tanglad sa halip na gumamit lamang ng tubig. Ang ganitong estilo ng pagluluto ay maihahalintulad sa mga katutubong paraan ng pagpapasingaw sa kawayan na matatagpuan din sa Indonesia at Thailand.

Chao Long (Palawan)
Ang Chao Long ay isang noodle soup mula sa Palawan na tinutukoy bilang isang lokal na bersyon ng Vietnamese pho. Dinala ito ng mga Vietnamese refugee na nanirahan sa Palawan matapos ang pagbagsak ng Saigon noong 1975. Madalas ay gawa ang Chao Long sa sabaw, bihon, togue, at karne tulad ng baboy, baka, o manok. Ngunit mas matamis ang sabaw nito kumpara sa pho dahil sa paggamit nito ng banana ketchup at kalamansi bilang sangkap upang pumasok ito sa panlasa ng mga Pilipino.

Kalamay (Bohol at Leyte)
Para naman sa mga gustong matikman ang tamis na nagmumula sa mahabang pasensya at tiyaga, nariyan ang Kalamay ng Bohol at Leyte. Ang malapot at madikit na kakaning ito na gawa sa giniling na malagkit, asukal na pula, at gata ng niyog ay madalas na isilbi sa loob ng bao, na nagbibigay dito ng nakakaginhawang amoy. Ang paraan ng pagluluto nito ay hawig sa Dodol na matatagpuan din sa Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, Myanmar, at Brunei.

Tiyula Itum (Sulu)
Literal na nangangahulugang “itim na sabaw,” ang Tiyula Itum ay isang tradisyonal na putahe ng mga Tausug sa Sulu. Ang maitim nitong kulay ay nagmumula sa sinunog na niyog na dinurog at hinalo sa sabaw, at karaniwang gawa ito sa baka o kambing na niluluto kasama ang tanglad, luya, luyang dilaw, galangal, bawang, at sili. Inihahain ito noon sa mga hari ng Sulu, ngunit hinahanda na ito ngayon para sa mga mahahalagang okasyon ng mga Tausug tulad ng kasalan, mga pagdiriwang panrelihiyon, at buwan ng pag-aayuno.
Ang mga lutuing Pilipino ay tunay na hinubog ng iba't ibang katutubong tradisyon, kolonyal na kasaysayan, at samu’t saring impluwensya mula sa mga karatig na bansa. Itinatampok ng mga pagkaing tulad nito ang lalim at pagkakaiba-iba ng lokal na putahe na higit pa sa mga pamilyar na pagkain gaya ng adobo, sinigang, at kare-kare.
Nagsisilbi ang mga pagkain na ito bilang marka ng malalim na koneksyon ng Pilipinas sa kultura at kalutoan ng mga kapitbahay nito sa Timog-Silangang Asya na nananatiling nauugnay sa pamamagitan ng lasa, kasaysayan, at tradisyon lampas sa heograpikal na kalapitan at diplomatikong ugnayan.

