Ngayong Chinese New Year, nabubuhay ang mga lansangan sa pulang parol, masaganang handa, malalakas na tunog ng tambol, at makukulay na selebrasyon na sumisimbolo ng swerte at kasaganaan. Bagama’t tradisyong Tsino ang pinagmulan ng mga kasanayang ito, buong siglang niyayakap at tinatanggap din ito ng mga Pilipino habang hindi nawawala ang kanilang sariling pagkakakilanlan.
Malaki ang papel ng mga pamahiin sa paghubog ng paniniwala at gawi ng mga Pilipino na karaniwang isinasagawa sa panahon ng kaba at kawalan ng katiyakan. Bagaman walang siyentipikong kasiguruhan ang mga ito, nagbibigay naman sila ng ginhawa, kumpiyansa, at pakiramdam ng seguridad sa mga sitwasyong hindi tiyak ang kalalabasan. Sa katunayan, hinding-hindi nawawala ang mga ritwal at paniniwala ng mga Pilipino sa swerte mula sa mga kasal, exam, bisperas ng Bagong Taon, at hanggang sa Chinese New Year.
Nag-uugat ang mga pamahiin at ritwal na ito sa mga sinaunang tradisyon at paniniwalang naipasa sa iba’t ibang henerasyon. Sa paglipas ng panahon, lalo pa itong nahubog ng pinaghalong impluwensya ng katutubong paniniwala, ugnayan sa mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya, at kasaysayan ng kolonisasyon na nagdala ng sari-saring relihiyoso at kultural na impluwensya. Dahil sa multikultural na katangian ng Pilipinas, ang selebrasyon ng Chinese New Year ay nagiging pagkakataon upang palakasin ang ugnayan ng mga pamilyang Pilipino at Filipino-Chinese. Isa itong patunay na ang tradisyon ay hindi lamang minamana kundi patuloy na binibigyang-buhay sa kasalukuyan.
Sa ganitong paraan, ang integrasyon ng mga tradisyonal na pamahiin sa kontemporaryong pagdiriwang ay nagpapakita kung paanong ang mga paniniwala ay patuloy na nabubuhay at umuusbong sa bagong panahon.
Upang mas maging handa, narito ang mga pampaswerteng maaari mong subukan ngayong panahon ng swerte!
Huwag iwalis ang swerte
Kung ayaw mong mawala ang swerte, itabi muna ang walis! May paniniwala na ang paglilinis ng bahay bago magbagong taon ay simbolo ng pagwawalis ng malas ng nakaraang taon. Ngunit pagdating ng mismong araw ng Chinese New Year, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng walis at mop dahil sinasabing kasama sa mawawalis ang paparating na magandang kapalaran. Sa madaling salita, maglinis na bago pa man sumapit ang selebrasyon. Pero sa mismong araw, ipahinga muna ang sahig at ang mga walis.
Panalo ka sa pula
Kung gusto mong maging walking good luck charm, magsuot ng pula! Ang pagsusuot ng pula sa Chinese New Year ay paraan din ng pag-anyaya ng swerte at prosperity para sa buong taon.
Ang pula ay kulay ng kasiyahan, tagumpay, at swerte. Pinaniniwalaan din itong panlaban sa malas at masasamang espiritu. Kaya naman hindi nawawala ang mga pulang dekorasyon at lalo na ang angpao, mga pulang sobre na may lamang pera, na simbolo ng pagpapala at kasaganaan.
Busog sa kasaganaan
Maraming naniniwala na ang pagkain ng noodles tulad ng pancit ay nagdadala ng mahabang buhay at magandang kapalaran kapag hindi putol ang hibla. Ngunit tuwing Chinese New Year, iba’t ibang pamilya ang naghahanda ng mga tradisyunal na pagkain tulad ng tikoy na sumisimbolo sa matibay na ugnayan ng pamilya at ang patuloy na pag-angat sa buhay.
Karaniwan ding makikita sa hapag ang 12 bilog na prutas, na kumakatawan sa 12 buwan ng taon. Ang kanilang bilog na hugis ay sumisimbolo sa mga barya at tuloy-tuloy na kasaganaan. Ang pagsasalo-salo at pagbabahagi ng mga pagkaing ito ay hindi lamang pampaswerte kundi sandigan ng pagtitipon at pagkakaisa ng komunidad at pamilya.
Pati kapalaran, naka-status update na rin
Sa panahon ngayon, mas aktibo ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa social media upang ipakita ang paghahanda at pagdiriwang ng kapalaran at swerte. Ang pagbahagi ng mga larawan na naka-pulang outfits hanggang sa mga handa at dekorasyon ay naging simbolo ng suwerte at bagong simula. Ang pagsusuot ng pula at ang pagbabahagi ng masasayang sandali ay nagiging paraan upang ipahayag ang pag-asa para sa magandang taon.
Marami rin ang nagbabahagi ng kanilang Chinese zodiac sign at horoscope predictions bilang gabay sa pag-ibig, pera, at trabaho. Sa ganitong paraan, ang mga tradisyunal na paniniwala tuwing Chinese New Year ay patuloy na nabubuhay. Ngunit mas visible, mas viral, at mas konektado sa online na pagkakakilanlan ng bagong henerasyon.
Kahit nagbago man ang anyo ng mga ritwal sa paglipas ng panahon, nananatili pa rin ang kanilang diwa. Ang mga pamahiing ito—tradisyonal man o moderno—ay nagpapakita na patuloy pa rin ang paniniwala sa suwerte, proteksyon, at pag-asa sa gitna ng mga panahong makabago at walang kasiguraduhan.
Bukod dito, naipapahayag nila ang kanilang pagnanais ng magandang kinabukasan hindi lamang para sa sarili, kundi para sa buong pamayanan.
