Sa makabagong panahon ng pag-ibig, nasusukat ang panliligaw sa mensahe at tawag. Ngunit sa panahong wala pa ang teknolohiya, hanggang saan inaabot ang tiyaga at sakripisyo ng kalalakihan upang mapatunayan ang taimtim na pag-ibig sa mga binibini?
Ayon sa artikulong The Art of Making Ligaw, isa sa malinaw na patunay ng pagmamahal ng mga kalalakihan noong unang panahon ay ang masinsin at matagal na proseso ng panliligaw. Pinaniniwalaan noon na ang kasinsinan, tiyaga, at tunay na hangarin ng isang lalaki ay nasusukat sa kaniyang kakayahang maghintay at magsakripisyo upang makamit ang matamis na “oo” ng binibining kaniyang nililigawan. Hindi ito isang madali o agarang proseso—madalas ay inaabot ng buwan, at sa ilang pagkakataon ay taon, ang panghihikayat at panunuyo.
Karaniwang nagsisimula ang panliligaw sa tuksuhan mula sa mga kaibigan o kakilala. Sa yugtong ito, mahalaga ang pagkakaroon ng kaibigan sapagkat sila ang nagsisilbing tulay upang mapalapit ang dalawang maaaring mauwi sa pag-iibigan. Sa ganitong paraan, nasusubok hindi lamang ang intensyon ng manliligaw kundi pati ang ugnayan at tiwala ng magkakaibigan. Marahil, may mga pagkakataong ang tagapamagitan at ang nililigawan mismo ang nagkakaroon ng damdamin sa isa’t isa at sila ang nagkakatuluyan.
Pangalawa, ang paninilbihan. Ito ang itinuturing na isa sa pinakamahaba at pinakamabigat na proseso ng panliligaw, kung saan inaasahang maipapakita ng mga kalalakihan ang kanilang taimtim at seryosong hangarin sa pamamagitan ng paglilingkod. Bahagi nito ang paglalakas-loob na ipakilala ang sarili sa pamilya ng nililigawan—isang mahalagang hakbang upang ipakita ang katapatan, paggalang, at kahandaang akuin ang responsibilidad ng paninilbihan at pag-aasawa. Maaaring ipakita ang paninilbihan sa pamamagitan ng pagtulong sa pagsasaka, pag-iigib ng tubig, at pakikibahagi sa mga gawaing-bahay.
Bagamat inaasahang igalang at paglingkuran ang buong pamilya ng nililigawan, higit na mahalaga ang pakikitungo sa ama, sapagkat siya ang karaniwang may pinakamahigpit na pamantayan pagdating sa panliligaw sa kanilang mga anak na babae. Mahalaga rin ang pagmamano at maayos na pag-uugali bilang paggalang.
Ang paninilbihan ay hindi natatapos sa isang araw na paglilingkod lamang, kinakailangan ding ipakita ang tiyaga at paninindigan sa pamamagitan ng pagdalaw. Dito nasusukat ang lalim ng hangarin ng lalaki.
Bilang huling bahagi ng panliligaw, isinasagawa ang harana, kung saan ang lalaki ay umaawit sa ilalim ng bintana ng dalaga tuwing gabi, karaniwang kasama ang kaniyang mga kaibigan na may dalang gitara o iba pang instrumento.
Ang kahalagahan ng saloobin ng pamilya ng nililigawan
Ayon sa librong Barangay Sixteenth Century Philippine Culture and Society, hindi lamang ang dalaga ang nililigawan, sapagkat kailangang ligawan ang pamilya. Dito malalaman kung ang nanliligaw ay karapat-dapat; sa huli, ang pamilya ang may pasya kung karapat-dapat ang manliligaw.
Ang kasunod nito ay pamamanhikan—na siyang pormal na pagbisita ng pamilya ng lalaki sa pamilya ng babae upang hingin ang kanilang basbas sa kasal, at ang pinakamahalaga rito ay ang pagkakasundo ng dalawang pamilya. Gayunpaman, sa kabila ng pag-iibigan, may mga pagkakataong hindi nagkakatuluyan ang magkasintahan dahil sa pagtutol o desisyon ng pamilya.
Makikita sa ating kultura at tradisyon ang pagpapahalaga sa pagiging taimtim at seryoso sa pag-ibig, na malaki ang impluwensiya ng Katolisismo sa Pilipinas. Kung ikukumpara ang noon at ngayon, kapansin-pansin ang malaking pagbabago sa paraan ng panliligaw. Sa gitna ng mga pagbabagong ito, nananatiling mahalagang tanong kung hanggang saan handang manindigan ang isang tao para sa pag-ibig.
