Litrato Ni Jewen Bantinan
Litrato Ni Jewen Bantinan.

Traslación 2026: Ang hindi natitinag na pananampalataya sa Poong Nazareno


Sa kabila ng mga hamon na hinarap ng #Traslación2026, muling binuksan ng pista ang mas malalim na tanong kung hanggang saan humahantong ang pananampalataya ng mga Pilipino.


Naitala bilang pinakamahabang Traslación sa kasaysayan ang Nazareno 2026, nang makalipas ang 31 oras bago makabalik ang imahen ng Poong Hesus Nazareno sa Quiapo Church mula Quirino Grandstand. Tinatayang 9,640,290 deboto ang dumalo at nakibahagi sa pagdiriwang ng kapistahan ng Nazareno. Sa kabila ng mga hamon na dala ng panahon at panganib, hindi nagpayanig sa paninindigan ng mga deboto dala ng kanilang matinding pananampalataya sa Poong Nazareno.   

 

Ang sagisag ng Nazareno, na may temang hango sa Juan 3:30, “Dapat Siyang tumaas at ako nama’y bumaba,” ay sumasalamin sa tatlong pagpapahalaga sa buhay ng mga deboto. Ang mensaheng dala ng tema ay binibigyang-diin ang pagpupuri, kababaang-loob, at pananampalataya.

 

Bawat aspeto nito ay nagpapakita kung paano natin dapat itaguyod ang kadakilaan ni Kristo, hindi lamang sa Traslación 2026, kundi lalo na sa ating pang araw-araw na buhay sa pamamagitan ng pananampalataya at kababaang-loob.

 

Walang kupas na panata ng mga deboto 

Umaga ng Enero 9, nagsimulang magtipon-tipon ang mga deboto sa Quiapo, Ayala Bridge, Quezon Boulevard, at sa mga dadaanang ruta ng andas habang inaantay ang pagdating ng Poong Nazareno sa kani-kanilang mga lugar. 

 

Iba’t ibang grupo ng tao mga ang dumalo sa pista tulad ng mga organisasyon na dedikado sa pamamanata, mga kabataang magkakaibigan, o kaya naman grupo ng mga pamilya, kabilang na rin ang mga boluntaryong nagbibigay medikal, pulisya, at media na nakaantabay sa paligid ng pista.

 

Ipinakita ng mga deboto ang kanilang pagbibigay-puri, pasasalamat, at pananampalataya sa magkakaibang paraan. Karamihan sa mga deboto ay nakayapak lamang na nagsisilbing kanilang panata bilang penitensya sa mga kasalanan at pagsasabuhay ng sakripisyo ni Hesus sa pagbuhat ng krus.  

 

Kada isang oras ay isinasagawa ang Misa Mayor sa Quiapo Church na dinadaluhan ng mga deboto upang makapagdasal, mabasbasan, at humiiling sa Poon. Sa kabilang banda ay ang prusisyon ng andas, kung saan dumagsa ang mga deboto na nagnanais masilayan at mahaplos ang imahen ng Poon Nazareno o mahatak ang lubid nito na nagsisimbolo ng pagkakaisa at pagtitiis sa likod ng kahirapan ng buhay. 

 

Makikita ang pagkakaisa ng mga tao sa pista na kahit ibang relihiyon ay nakisali sa tradisyon ng “Caridad”—pakikibahagi ng pagkain at inumin sa ibang tao. Sa ulat ng ABS-CBN News, kanilang nakausap si Mawiyag Sarip, isang muslim na nakatira malapit sa Golden Mosque ng Quiapo kung saan ang kaniyang grupo ay nagmamahagi ng pagkain sa mga deboto.  

 

Regardless of religion, basta makatulong kami sa mamayanan, yun ginagawa namin,” wika niya.

 

Sa panayam ng The Benildean kay Jem Rose, 18 na anyos mula Las Piñas, ibinahagi niya ang kaniyang kasiyanan nang masilayan ang imahen ng Nazareno, “Kanina 'yung andas nasa harapan namin [...] naiyak na ako sa saya. Ang gaan sa pakiramdam, masaya sobra.” 

 

Bagama’t ngayon pa lamang nagsisimula bilang deboto, ibinahagi rin ni Magdalina, 56 taong gulang, ang kaniyang taimtim na panata sa Poong Nazareno. Hiling niya ang patuloy na pananampalataya at mga biyayang kalakip ng bawat pagdalaw nila sa Poon, “Wish ko sa Poong Nazareno na makapagtuloy-tuloy kami sa pananampalataya at mabigyan ng blessing.” 

 

Para sa kaniya, mahalaga ring maibahagi ang debosyon sa iba, “Kung meron po akong nakilala at kaya ko pong maakay sila rito, gagawin ko po ’yun.” Bilang mensahe sa kapwa deboto, pinaalalahanan niya ang lahat na maging maingat at mapagmatyag upang manatiling ligtas ang bawat isa.

 

Hindi hadlang ang edad sa pamamanata sa Poong Nazareno, sa panayam ng The Benildean, ibinahagi ni Evangeline Balantac, 62 taong gulang mula sa Taytay Rizal na nagtitinda ng pusit kasama ang kaniyang asawa’t apo ang kanilang kwentong milagro mula sa Poong Nazareno. 

 

Dinetalye niya kung paano napagaling ng Poon ang kaniyang anak noong 14 taong gulang pa lamang ito na may sakit sa baga, “Pina-check up ko siya [at] dumiretso kami dito sa [Quiapo Church at] nagsimba kami.” Noong matapos ang misa ay nawala ang kaniyang anak na sumama na pala Traslación. Sa kaniyang pagbalik ay malusog at magaling na siya sa kaniyang sakit.

 

“Wala na siyang sakit. Kailangan talaga magtiwala ka para talagang may katuparan ‘yung [hiling] mo, may blessing,” wika ni Lola Evangeline.

 

Ilan lamang ito sa mga kuwentong milagro na nagpapatibay sa paniniwala at pananampalataya ng mga deboto. Patunay ito na hindi napapawi ang paniniwala ng mga Pilipino sa biyayang dala ng Poon, sa kabila ng hirap ng buhay. 

 

Ang pagtatagpo nina Maria at Hesus

Isang makabuluhang parte ng Traslación ang “Dungaw” na nagsimula noong 2014, kung saan nagtatagpo ang imahen ng Hesus Nazareno at Nuestra Señora del Carmen sa harap ng Basilika Menor at Parokya ng San Sebastian. Ito ay nagsisimbolo ng pagbibigay-galang sa magulang, na kahit gaano kalayo ang lalakbayin ng isang anak, siya’y babalik at magbibigay galang pa rin sila sa kanilang mahal na ina tulad ni Hesus. 

 

Sa ika-10 taon nito, naharap ang Traslación sa hamon matapos umabot nang alas-kuwatro ng kinaumagahan—24 oras nakalipas nang magsimula ang prusisyon—bago nakarating ang andas sa Plaza del Carmen. Ito ay higit na nagtagal kumpara sa nakaraang taon, kung saan alas-singko pa lang ng hapon ay naisagawa na ang Dungaw. 

 

Dulot ng mahabang pagkaantala sa pagdating ng andas, pagkukulang sa mga medikal na responde, at buhos ng ulan, inanunsyo ng mga opisyal ng Quiapo at San Sebastian na ititigil na rito ang prusisyon at manunuluyan muna ang Poong Nazareno sa tahanan ng kaniyang ina—na unang beses mangyayari sa kasaysayan ng Traslación. 

 

Maraming deboto na naghintay sa Quiapo Church ang nadismaya sa desisyon na ito, wika ng isang deboto sa panayam ng ABS-CBN News na, “Ang lahat ng deboto ay hindi papayag [...] Marami po talagang nalulungkot [at] nagrereklamo. Dito po talaga ang tradisyon ng pag-uwi niya, dito po talaga ang tahanan niya.”

 

Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang mga deboto na may hawak sa andas, kanilang kinuha ang lubid at isinalya ang andas tungo sa kaniyang nakatalang ruta papuntang Bilibid Viejo pagkatapos ng Dungaw. Determinado ang mga deboto na tapusin ang prusisyon sa tradisyunal na pamamaraan at maiuwi ang imahen pabalik sa kaniyang tahanan na Quiapo Church. 

 

Sa isang presscon, ipinahayag ni Kura Paroko ng San Sebastian, Fr. Ramon Jade Licuanan na “Their hearts are there, their spirits are there, but, of course, the flesh, may limitations 'yan. So, we explored every option that we have until we came with best option that we were seeing at the time.”

 

Bagong mekanismo ng andas

Batay sa ulat ng GMA News, ang karwahe ng Andas ay binalot na sa tempered glass upang mas masilayan ng mga deboto ang Nazareno at maiwasan ang halumigmig. Nagkaroon din ng drayber na magmamaneho ng andas sa gitna ng mga kalyeng puno ng tao. Pinaikli rin ang krus at naglagay ng platapormang maglalaman ng dalawang Hijos del Nazareno—mga tagapagbantay at tagapangalaga ng imahenn ng Hesus Nazareno. Gayunpaman, nananatiling may salya at 50 metro na lubid na may dalawang inihandang reserba para sa karwahe ng Nazareno ayon kay Quiapo Church Technical Adviser, Alex Irasga

 

Sa kabila ng paghanda sa andas gamit ang disenyong mapipigilan ang pag-akyat ng mga deboto, naging malaking hamon pa rin ang hindi humuhupang pagsalubong at bigat ng pagsampa ng mga deboto sa andas

 

Dagdag pa sa dahilan kung bakit tumagal ang prusisyon ay ang pagkapigtas ng lubid ng andas, pagkasira ng gulong, at pagkabangga sa bahagi ng bubong ng ilang establisimyento sa bandang Quezon Boulevard. Kung kaya’t kinailangang ihinto ang prusisyon upang palitan ang lubid na nagresulta sa pagkagulo ng mga deboto na determinadong makalapit sa Poong Nazareno. 

 

Hindi rin naiwasan ang pagkakaroon ng mga casualty sa gitna ng Traslación. Ayon kay Traslación 2026 Spokesperson, Fr. Robert Arellano, nakapagtala ang Pamunuan ng Simbahan ng Quiapo ng apat na taong nasawi—tatlong deboto ang nasawi sa prusisyon pati na rin ang photojournalist na si Itoh Son na inatake sa puso noong Pahalik. 

 

Naitala namang mahigit kumulang 1,000 na deboto ang kinailangan ng medikal na atensyon. Kabilang dito ang isang miyembro ng Hijos del Nazareno na  nahirapan huminga at nahimatay sa andas dala ng malubhang siksikan ng mga tao. 

 

Sumapit ang kinabukasan, Enero 10, nang makabalik ang Poon sa Quiapo bago mag alas-onse nang umaga. Sinalubong ito ng masidhing tuwa ng mga deboto, sa kabila ng kanilang pagod at sakit na bumabalot sa kanilang katawan, wika ni Ester Espiritu mula sa ulat ng Philstar, “Kahit nahihirapan na akong pumunta rito dahil sa aking edad…masaya at gumagaan ang pakiramdam ko tuwing nakikita ko ang Poong Nazareno,” ani ni Espiritu.

 

Hindi hadlang ang kahit ano mang hamon na hinarap ng prusisyon, bagkus ay lalo lamang tumatag ang loob ng mga deboto na nadadagdagan at kinabibilangan ng bagong henerasyon. 

 

Sa huli, malinaw na hindi nagtatapos sa prusisyon ang kanilang panata. Ito ay patuloy na isinasabuhay sa araw-araw na pakikibaka laban sa sakit, kahirapan, pasakit, at kawalan ng katiyakan. Sa bawat yugto ng kanilang buhay, iniaangat nila sa Poong Nazareno ang kanilang mga panalangin para sa kagalingan at ginhawa. 

 

Sa gitna ng pagod at paghihirap, nananatili ang Poong Nazareno bilang kanilang sandigan, nagbibigay ng lakas at pag-asa upang ang bawat debotong Pilipino ay makapagpatuloy sa hamon ng buhay.