Layout By Kij Cabardo
Layout By Kij Cabardo.

Call Me Mother: Ang tunay na kahulugan ng pagiging ina


Para sa ilan, ang pagiging ina ay nasusukat lamang sa kakayahang magluwal ng isang bata, ngunit para sa iba, hindi ito nakatali sa dugo at kasarian. Ito ay makikita sa araw-araw na pagpili ng magmahal, magsakripisyo, at unahin ang kapakanan ng anak higit sa sarili. #CallMeMother #MMFF2025


By Kristina Caasi | Tuesday, 13 January 2026

Marahil iba-iba ang kahulugan ng pagiging ina sa bawat isa sa atin. Ngunit sa pelikulang Call Me Mother, ipinapakita ang isang di-pangkaraniwan pananaw sa pagiging ina—isang paninindigan na pinipiling gampanan nang buong puso, kahit walang katiyakan o kapalit.

 

Sa muling pagkakataon, ang ikalawang pelikula na pinagbibidahan ng Unkabogable Box Office Superstar na si Vice Ganda (Twinkle), sa ilalim ng direksyon ni Direk Jun Robles Lana, ay muling pumatok sa madla dahil sa kakaibang genre na ipinakita. 

 

Bukod kay Vice, kasama rin dito si Nadine Lustre (Mara) bilang isa sa mga bida ng pelikula. Tampok din dito ang itinuturing na promising child actor na si Lucas Andalio (Angelo) at ilang mga sikat na personalidad mula sa Pinoy Big Brother: Collab Edition na sina Klarisse de Guzman (Mayet), Mika Salamanca (Bea), Brent Manalo (Marco), Shuvee Etrata (Ria), River Joseph (Anton) at Esnyr (Vince). Hindi rin mawawala sa pelikula ang mga batikang komedyante na sina MC Muah (Dorothy), Iyah Mina (Miss J), at John Lapus (Mama M).

Ang pelikulang ito ay nakasentro sa buhay ng isang queer single mother na si Twinkle, ang kaniyang adoptive son na si Angelo, at ang tunay na ina ng bata na si Mara.

 

Ang kayang gawin ng isang ina para sa anak

Iba’t iba man ang karanasan at napagdaanan ng mga beauty queens sa pageant coach na si Twinkle, iisa lamang ang deskripsiyon nila rito—istrikto. Pero hindi maipagkakaila na siya ay masigasig pagdating sa pagtuturo. 

 

Ngunit sa isang biglaang pangyayari, namatay ang ina ni Twinkle. Kaakibat nito ang pagkupkop sa inampong sanggol ng kaniyang ina. Umabot sa puntong binalak ni Twinkle na ibigay na lamang sa bahay-ampunan ang bata. 

 

Naipakita sa pelikula ang kakaibang istilo ng pagsasakripisyo ng isang magulang para sa kaniyang anak. Gumamit ng eksaheradong elemento ng pag-arte at eksena kung paano dinala ni Twinkle ang kaniyang anak sa ospital kaya naman nagkaroon ito ng bahagyang elemento ng komedya. Madungis, hindi maayos ang damit, at puno ng sugat at pasa ang mailalarawan sa kaniya habang buhat-buhat ang sanggol pagdating ng ospital. Sumisimbolo ito na kahit anong pagdaanan ng isang ina, gaano man kahirap at kasakit, handa silang gawin ang lahat para lamang maging ligtas ang kanilang mga anak. Sa pagkakataong ito, tuluyang kinupkop ni Twinkle si Angelo at tinalikuran ang pagtuturo sa pageantry upang mapagtuunan ng pansin ang pag-aalaga sa kaniyang anak.

Pagtalikod sa responsibilidad na hindi inaasahan

Ipinabatid kay Twinkle na kailangan niyang kumuha ng pahintulot mula sa biyolohikal na ina bilang bahagi ng proseso ng pag-aampon upang maka-migrate sa Hong Kong. Inamin ni Twinkle na kilala niya ang ina—si Mara de Jesus na ngayon ay isang matagumpay na modelo at nakatakdang ikasal sa anak ng isang mayamang negosyante.

 

Sa kadahilanang masyado pang bata si Mara noong ipinagbuntis niya si Angelo, napaniwala siya ng kaniyang ina na hindi makabubuti para sa pangarap niya ang bata at bagkus ipamigay na lamang sa iba. Ipinapakita nito na maraming kailangan isaalang-alang upang maging isang ina tulad ng pagiging handa sa responsibilidad. 

 

Pagtanggap ng pagkakakilanlan at katotohanan

Nang pumunta si Twinkle kay Mara upang hingin ang kaniyang pirma upang tuluyang maging legal ang pag-aampon kay Angelo. Pumayag si Mara sa kondisyon na siya ay maging coach ni Mara para sa nalalapit na Miss UniWorld Philippines 2025 pageant. Pumayag si Twinkle at nagkaroon ng kasunduan na hindi maaaring magkaroon ng contact si Mara kay Angelo dahil may pangamba siya na baka mas maging malapit ito kay Mara dahil sa kasunduang ito. Ngunit hindi naiwasan na mapalapit ang dalawa.

 

Naipakita sa pelikula ang kahalagahan ng pagtanggap ni Mara sa kaniyang pagkatao—na siya ay isang ina. Isang bahagi ng kaniyang pagkatao na matagal na niyang tinatago. Ngunit kahit na anong gawing pagtataboy rito, hinding-hindi mawawala sapagkat parte ito ng kaniyang sarili. 

 

Sumisimbolo ito na ang pagiging handa sa pagiging magulang ay hindi lang tungkol sa pisikal na pagbibigay-buhay, kundi pati na rin sa emosyonal at moral na aspeto—sa pagtanggap at pagmamahal sa anak.

 

Kahusayan ng mga aktor sa pagganap

Sa isang eksena, labis ang takot ni Twinkle at ipinahayag na lalayo siya kasama si Angelo. Hindi matatawaran ang pag-arte na ipinakita ni Vice Ganda at lalo na ni Andalio rito. Mararamdaman ng manonood ang emosyon na gusto nilang iparating sa mga tao.

 

Nagkaroon din ng pagtatapat na eksena sina Twinkle at Mara na siyang nagpakita kung gaano kahusay sina Vice at Nadine sa pag-arte. Nabanggit din sa eksenang ito kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng isang ina at kung ano ang kayang gawin ng mga ina para sa kanilang mga anak. 

 

Naging maganda ang eksenang ito ngunit mas tatatak ito sa masa kung mas naipakita sa pelikula kung paano nagsakripisyo si Twinkle sa pamamagitan ng flashbacks upang makapagbigay ng mas emosyonal na epekto sa mga tao. 

 

Ang tunay na kahulugan ng isang ina 

Ibinahagi ni Twinkle kung paano niya napagtanto sa pagtatrabaho sa ibang bansa na ang pagiging ina ay hindi nakabase sa kasarian o dugo, at ito ay isang ugnayan na hindi kayang putulin ng distansya.

Panghuli, napatunayan ng Call Me Mother na ang pagiging ina ay higit pa sa dugo o kasarian; ito ay pagmamahal, sakripisyo, at responsibilidad na handang harapin ang lahat para sa kapakanan ng anak. Matututuhan natin na ang pagiging ina ay higit pa sa simpleng responsibilidad; ito ay ang kakayahang magmahal, magsakripisyo, at alagaan ang anak sa kabila ng anumang hamon. 

 

Ipinakita ni Twinkle na ang pagmamahal at pagiging ina ay hindi nasusukat sa dugo kundi sa puso, at ang ugnayang ito ay nananatili kahit malayo o may distansya.

 

Sa gabi ng parangal ng 51st Metro Manila Film Festival (MMFF), nakamit ang iba’t ibang parangal at nominasyon ang pelikula at ang mga aktor nito. Nagwagi bilang Best Actor si Vice Ganda at Best Child Performer si Lucas Andalio. Nakuha rin ng pelikula ang Best Gender-Sensitive at ikatlong Best Picture. Nominado rin si Nadine Lustre bilang Best Actress.