Sa masining na direksyon ni Sari Dalena, inihahandog ng Cinemartyrs ang isang malikhain na paglalarawan sa kuwento na lumalagpas sa nakagisnang konteksto ng mga manonood. Hindi lamang ito isang pelikula, kundi isang dakilang pagpupugay sa sining ng pelikulang Pilipino–isang marubdob na liham ng pag-ibig para sa sine at isang alay para sa mga babaeng filmmaker.
Sa pagtapak sa ika-21 edisyon, itinatanghal ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, o mas kilala bilang Cinemalaya, ang masining na paglalayag ng temang, “Cinemalaya 21: Layag sa Alon, Hangin, at Unos,” isang talinghaga ng katatagan at tapang sa walang humpay na pagbabago sa larangan ng pelikulang Pilipino.
Ngayong taon, kabilang ang Cinemartyrs ni Dalena sa sampung opisyal na kalahok para sa Best Film Balanghai Trophy sa kategorya ng full-length film sa Cinemalaya, isang karangalan na kumikilala sa kahusayan at orihinalidad ng pelikulang Pilipino.
Ang martir
Sinusundan nito ang kasaysayan ng pelikulang Pilipino at ang kuwento ni Shirin Dalisay (Nour Hooshmand), isang babaeng filmmaker na gumagawa ng dokumentaryo upang buhayin muli ang mga nakalimutang masaker sa kasaysayan ng Pilipinas, partikular ang mga kaganapan noong Digmaang Pilipino-Amerikano. Ipinakita niya ang dokumentaryong ito sa harap ng mga kritiko, na nagsabing may pagkukulang ang kanyang dokumentaryo–ang pananaw mula sa katimugang bahagi ng Pilipinas. Bilang tugon, pinayuhan si Shirin ng mga kritiko na maglakbay sa katimugan upang punan ang kakulangan ng kaniyang dokumentaryo at ipakita ang bahagi ng kasaysayan na madalas ay hindi alam ng masa at sinusupil.
Subalit sa sandaling magsimula ang kanilang pagkuha ng bidyo para sa dokumentaryo, muling nagising ang mga espiritu, tila hindi pa natatahimik mula sa karahasang kanilang naranasan, at nailagay sa panganib sina Shirin, ang kanyang mga kasamahan, at ang mga taga-baryo.
Ngunit ito nga ba ang tanging kasaysayan na nais ipabatid ng pelikula?
Kinagisnan ng pelikulang Pilipino
Sa simula pa lamang ng Cinemartyrs, ipinalabas sina National Artists of the Philippines Lav Diaz at Kidlat Tahimik—isang malinaw na pagkilala sa mga tanyag sa larangan ng pelikulang Pilipino. Bukod sa mga tanyag sa personalidad, inihalo rin ni Dalena sa pelikula ang iba’t ibang intercut ng arkibal na materyales ng mga lumang pelikulang Pilipino na nagsisilbing pagpupugay sa mga unang hakbang at haligi ng kasaysayan ng sine sa Pilipinas.
Ang Cinemartyrs ay nakapook sa panahon na humina ang alternative filmmaking sa bansa kung saan ang mga pelikula at dokumentaryo ay gumagamit pa ng 16mm, dahil dito maingat na binuo nina cinematographers Neil Daza at Kiti Dalena ang natatanging biswal na anyo ng pelikula. Sa pamamagitan ng paggamit ng film grain at tekstura ng lumang teknolohiya, binubuhay ng pelikula ang kagandahan ng minsang nakalimutang paraan ng paggawa ng pampelikulang obra. Dagdag pa rito, ipinakita ang konsepto ng guerilla filmmaking na umusbong noong dekada nobenta, isang panahon kung kailan gumagamit ang mga independent filmmakers ng kung ano mang mayroon sila upang mailahad ang mga kuwentong hindi binibigyang-pansin ng mainstream na industriya.
Ang direksyon na tinahak ni Dalena para sa Cinemartyrs ay nagsilbing paalala at pagpupugay sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino at sa katatagan ng mga artistang nagtagumpay sa kabila ng mga pagsubok at kakulangan noon.
“I can make babies, and I can make movies.”
Bilang isang babaeng filmmaker, nilikha Dalena ang Cinemartyrs bilang isang makapangyarihan at masinsing naratibong hinaluan ng perspektibong pangkasarian–isang pelikulang sumusunod sa kuwento ng isang babaeng direktor na naglalakbay at nakikibaka sa industriya na pinaghaharian ng kalalakihan.
Niyakap niya rito ang tiyaga at katapangan na sumisimbolo sa mga babaeng artista at filmmakers. Dagdag pa ito, isinalamin ni Dalena si Shirin bilang tauhan na tapat sa kaniyang sariling pagkatao–isang filmmaker na hindi basta-basta sumusuko at marunong maghanap ng paraan upang mapagtagumpayan ang mga hadlang na kaniyang haharapin.
Maging ang mga hadlang na ito ay kinabibilangan ng pagtanggi ng mga institusyon sa kaniyang proyekto, o ng mga kakaibang kultura na nagpahirap sa paggawa ng pelikula sa mga banyagang lugar na bago sa kaniya. Sinasabi rin na hango ang kuwentong ito sa mga tunay na karanasan ni Dalena noong ginawa niya ang kanyang dokumentaryo na Memories of a Forgotten War (2001).
Gayunpaman, higit pa sa simpleng paglalarawan ng pakikibaka ng mga babaeng filmmaker, ang Cinemartyrs ay naging isang pagkilos upang muling mabawi ang kapangyarihan. Para kay Shirin, ipinakita nito ang isang paglalakbay tungo sa kagalingan at pag-iintindi—hindi lamang para sa mga espiritu at sa kasaysayang sinubukan niyang bigyang-boses, kundi pati na rin para sa kolektibong alaala ng bansa. Ang kanyang pagsisikap na bigyang-boses ang mga kuwentong matagal nang pinatahimik at sinusupil, habang isinasagawa ito sa isang midyum na matagal nang nababalot ng pagkamuhi at sistematikong hadlang para sa kababaihan, ay naging higit pa sa isang malikhaing layunin.
Ito ay isang pagpupugay hindi lamang sa kasaysayang muling isinasalaysay, kundi pati na rin sa tibay, tapang, at sining ng mga kababaihang bumubuo sa pelikulang Pilipino.
Ang Cinemartyrs ay maaaring mapanood hanggang ika-12 ng Oktubre sa Red Carpet Cinemas ng Shangri-La Plaza, Ayala Malls Cinemas, at Gateway Cineplex 18.