Higit pa sa mga nakamamanghang tanawin, parola, bahay na bato, at masasarap na pagkain, ang tunay na puso ng Batanes ay matatagpuan sa mga naninirahan dito—sa mga Ivatan. Patuloy nilang pinangangalagaan ang tradisyon at pinatitibay ang kanilang pagkakakilanlan bilang mga katutubo sa kabila ng unos, pag-unlad, at modernisasyon.
Bilang lalawigang hiwalay sa mainland ng bansa, nananatiling limitado ang pag-unawa ng nakararami sa pagkatao, kultura, at pananaw sa mundo ng mga Ivatan. Sa kabila ng kanilang mahalagang papel sa kasaysayan ng ating kapuluan, madalas ay nagkakaroon ng maling interpretasyon at hindi naririnig ang kanilang tinig.
Sa pamamagitan ng serye ng panayam mula sa The Benildean, binubuksan ang isang espasyo upang mapakinggan at mapagnilayan ang mga kwento ng ilang Ivatan—mga kwentong ugat sa lupa, hinubog ng hangin, at itinaguyod ng katatagan. Sa kanilang salaysay, masusulyapan hindi lamang ang kagandahan ng kanilang mga kaugalian at tradisyon, kundi pati ang katibayan ng bawat indibidwal at ng buong komunidad sa harap ng modernisasyon at mga pagsubok ng panahon.
Roland, 48, mangingisda
Sa edad na 15 pa lamang, sinimulan na ni Kuya Roland ang buhay sa dagat. Ngayon, siya na ang tumayong shaman ng kanilang pamayanan—isang papel na minana niya mula sa kaniyang ama, na minana rin ito sa kanilang mga ninuno. “Hindi ko na alam kung kailan talaga nagsimula ’yung mga tradisyon… pero lolo pa ng lolo ko, ginagawa na nila ’yan,” aniya.
Bilang shaman, si Roland ang isa sa mga nangangasiwa sa Kapataw—isang mahalagang seremonya tuwing Marso hanggang Mayo, para sa pangingisda ng dorado. Ibinahagi niya na isinasagawa ito sa tatlong pantalan sa Batan Island: Diura, Manichet, at Boulder Beach. Ang ritwal ay nagsisimula sa pagkatay ng baboy sa tabi ng dagat. Kinokolekta ang dugo, hinahaluan ng mutin (beads), lumang barya, at alak mula sa tubo (sugarcane)—isang alay sa dagat bilang panawagan sa isda at panlaban sa disgrasya.
“Parang tinatawag mo ’yung mga isda na galing ibang bansa na lumapit dito sa amin,” paliwanag niya.
Ang atay at gallbladder ng baboy ang binabása ni Roland upang makita kung magiging mabunga ang panghuhuli o kung may paparating na sakuna. “Makikita mo rin kung may alon na parating, kung may disgrasya... kung aabot pa ba hanggang Mayo ang dorado,” aniya.
Bukod sa ritwal, ipinapasa rin ni Roland ang praktikal na kaalaman sa pangingisda. Ginagamit nila ang flying fish bilang pain sa dorado—tinalian at iniikot gamit lamang ang sagwan, hindi motor, upang manatiling buhay ang pain. Matapos ang huli, pinatutuyo ito bilang daing at inihahain sa mga kasamahan bilang bahagi ng komunal na kultura.
Si Roland ay hindi lamang isang mangingisda kundi isa ring magsasaka at tagapangalaga ng mga hayop bilang kaniyang sekundaryong pang-hanapbuhay. Isa siya sa siyam na magkakapatid, at siya ang nanatili upang magpatuloy sa tradisyon. “Kung lahat tayo nasa opisina, sino na lang ang mangingisda?” ani niya. Ngunit sa kabila ng ganitong pananaw, binibigyan niya ng kalayaang pumili ang kaniyang mga anak sa nais nila maging trabaho para sa kanilang kinabuksan.
Sa panahon ng pagbabago at modernisasyon, nananatiling mahalaga para kay Roland ang pagpapatuloy ng mga ritwal. Kapag hindi isinagawa ang ritwal, maaaring magbunga ito ng kapahamakan: “May madidisgrasya, o kokonti ang mahuhuli.”
Sa kanyang kwento, sumasalamin ang isang katotohanan: ang pagiging Ivatan ay hindi lamang tradisyon—ito ay pananampalataya, ugnayan sa kalikasan, at paninindigang huwag talikuran ang pinagmulan.
Arnel, 31, tour guide
Ang pangunahing trabaho ni Kuya Arnel ay ang pagiging tour guide, ngunit gaya ni Roland, isa rin siyang mangingisda, magsasaka, at tagapag-alaga ng hayop. Sa panayam niya sa The Benildean, inilahad ni Arnel ang mga obserbasyong nakuha niya sa pakikisalamuha sa mga turista.
Aniya, marami sa mga ito ay nagugulat sa kawalan ng mall, fast food gaya ng Jollibee, o 7-Eleven sa isla. “Okay lang daw noong una, pero habang tumagal-tagal, hinahanap na nila ‘yung mall… eh kami, hindi namin ‘yon hinahanap.” Ang ganitong pananaw ng mga bisita ay isang salamin ng pagkakaibang-kultura—kung paanong ang mga Ivatan ay mas sanay sa payak, tahimik, at mabagal na takbo ng buhay.
Bagamat hindi tinatanggihan ang pag-unlad ng teknolohiya, mulat si Arnel sa mga pagbabago sa pamumuhay ng kanyang komunidad. Ikinuwento niyang noong wala pang motor at sementadong kalsada, mano-manong binubuhat ng mga magsasaka ang kanilang ani mula sa bukid pauwi.
“Talagang mano-mano... maputik, mabato ang daan. Pero nang dumating ang mga motor at inayos ng gobyerno ang mga daan, mas naging madali.” Ngunit kaakibat nito, napansin din niya na “kumonte ang nagfa-farm, kasi dumami na ang trabaho sa gobyerno.”
Ayon sa kanya, ang modernong transportasyon at mga oportunidad sa labas ng tradisyunal na pangkabuhayan ay unti-unting binabago ang orientation ng kabataan. “Noon, halos lahat kami nagtatanim. Ngayon, konti na lang. Umaasa na rin sa supply mula sa mainland, lalo na sa bigas.”
Ngunit malinaw ang kanyang paninindigan: hindi dapat kalimutan ang mga tradisyon, kahit sa harap ng pagbabago. “Hindi na mawawala ang modernisasyon, pero sana, huwag nating kalimutan ang mga itinuro sa atin ng [mga] matatanda.” Bilang tour guide, isa siya sa mga aktibong tagapagsalita para sa lokal na kultura. Sa kanyang mga paglalakad kasama ang mga turista, ibinabahagi niya ang kasaysayan, ang halaga ng lupang sinasaka, at ang ugnayan ng mga Ivatan sa kalikasan.
“Isa sa mga paraan para mapanatili ang kultura ay ituro ito sa mga kabataan…hindi lang sa bahay, kundi pati sa paaralan,” ani Arnel. Pinuri niya ang Department of Education sa pagsasama ng mga lokal na aralin sa kurikulum: “Very thankful ako… lalo na’t itinuturo na rin ang local language sa mga bata.”
Hindi rin nakaligtas sa kanyang mata ang epekto ng turismo. “Maganda kung maraming turista, pero ang basura at kakulangan sa tubig ang nagiging problema.” Para sa kanya, ang pag-unlad ay dapat kontrolado, upang hindi masakripisyo ang komunidad at kalikasan.
Sa huli, nag-iwan si Arnel ng isang mahalagang mensahe para sa kapwa niyang Ivatan: “Gawin nating simple ang lugar natin pero meaningful, na may impact sa pangangalaga ng kultura at tradisyon. ‘Yan ang bentahan natin kung bakit pinupuntahan tayo ng mga turista.”
Sa kanyang pagiging tapat at naka-ugat sa lupa ng kanyang ninuno, si Arnel ay isang huwaran ng modernong Ivatan—isang taong tumatanggap ng pagbabago, ngunit hindi kailanman kumakalas sa pinanggalingan.
Monica, 23, fashion designer
“Hindi po kami mayaman,” ani Monica, isang fashion designer mula Basco, Batanes. Sa kabila ng simpleng pamumuhay, napagtagumpayan niyang makapagtapos sa kursong Fashion Design and Merchandising bilang isang Benildean Hope Grant scholar mula sa De La Salle–College of Saint Benilde (DLS-CSB).
“I was a Benildean scholar. Benildean Hope Grant… 100% scholarship for indigenous,” aniya. Mula sa simpleng sinulid ng kabuhayan ng kanyang ina bilang isang mananahi, inihabi ni Monica ang sarili niyang landas tungo sa sining ng moda.
Ngayong taon, inilunsad niya ang kanyang unang koleksyon sa Tabasco Plaza sa ilalim ng brand na Muyveh, hango sa salitang Ivatan na nangangahulugang “ikaw lamang.” “Lagi kasi sinasabi ng tatay ko sa mga kumpare niya, ‘my only daughter,’ kaya tumatak sa akin ‘yung ‘Muyveh’,” ani Monica.
Isa sa mga tampok sa kanyang mini collection ay ang disenyo ng Inaynap, isang uri ng quilted garment. “This one is an Inaynap. Inaynap is basically like a quilted for Filipino, local Filipinos, not Ivatans. You can see it's just a quilted one. But for the Ivatans, it's very cultural,” paliwanag niya.
Ayon sa kanya, sumasalamin ito sa kasaysayan ng pagkukulang sa materyales sa Batanes noon, “So basically, what all the Ivatans do is like, putting everything what's available and making it as a clothing.”
Hindi lang kasuotan ang kanyang disenyo—ito ay kasaysayan, pagkakakilanlan, at pagmamalasakit sa kulturang Ivatan. “All of my looks [were] inspired by Batanes. Ever since I was still a student, I always wanted to… feature Batanes,” wika ni Monica.
Sa kabila ng kanyang pag-unlad, hindi maikakaila ang mga hamon na kinakaharap niya bilang isang designer mula sa Batanes. “Challenge is the sources,” aniya. “For fabrics, I need to go to Manila to get some fabrics. If, like emergencies, something like that, I need to go ukay.” Patunay ito ng kanyang pagiging madiskarte at malikhain sa harap ng kakulangan.
Tapat din siya sa layuning mapanatili ang kultura ng kanyang komunidad sa gitna ng modernong panahon. “Kahit modern na, hindi ko iiwan ang pagiging Ivatan,” giit niya. “And we, Ivatans are still Filipinos. We're here, up here, waving.”
Isa sa mga pinakamahalagang tradisyong Ivatan para sa kanya ay ang Laji, ang tradisyonal na awit ng mga Ivatan. “Mostly, Laji talks about, like, for couples, like, loves and welcoming others.” Isa sa kanyang paborito ay ang kantang “Lipus Ko ang Panahanen,” na tumatalakay sa pagbati at pagtanggap ng mga bisita.
Sa paningin ni Monica, hindi pa nawawala ang ugat ng kabataang Ivatan. “I can see still ‘yung mga characteristics, ‘yung pride Ivatan. So, hindi pa naman nawawala ‘yung pagiging Ivatan namin,” sabi niya. Sa katunayan, ginagamit niya ang social media upang ibahagi ang kultura at disenyo sa mas malawak na audience: “By sharing online, I hope everyone gonna see na this is just not a quilted one. It has a story.”
Sa huli, isang malinaw na mensahe ang nais niyang iparating: “There’s always, always gonna be a part of how I am, of who I am as an Ivatan. So, hindi ko sila tatalikuran or hindi ko isa-stop na i-patronize na I’m an Ivatan. And this is who we are—we are very rich in culture, we are very calm, welcoming, and resilient.”
Hallvard, 22, photographer
Bagamat ang pamilya ni Hallvard ay nakatuon sa pagsasaka at pagpapalaki ng baka, siya naman ay sumisikap na ipalaganap ang kultura gamit ang sining. Gaya ni Monica, si Hallvard ay nakapagtapos din ng pag-aaral sa DLS-CSB ng Bachelor of Arts in Photography na isa ring dating miyembro ng Benildean Press Corps (BPC).
Ang kanyang sining ay nakatuon sa pagpapakita ng tunay na kultura at buhay ng mga Ivatan. Para sa kanya, ang photography ay hindi lang trabaho kundi isang misyon upang maipakita ang mga kwento ng kanyang komunidad nang buong katapatan.
“Since we are an indigenous community, parang merong misrepresentation in the mass media. Ginagamit ‘yung na ‘ideal’ kami na parang maganda ‘yung isla namin, ‘yung mga tao, ‘yung culture namin. Pero minsan, ginagamit lang siya for prosperity or to just illustrate na we're just beautiful. Pero, merong more than that na meaning yung kultura namin,” paliwanag ni Hallvard. Kaya naman, sa bawat proyekto niya, sinisikap niyang labanan ang maling imahe at ipakita ang tunay na katangian ng kanyang komunidad.
Isa sa mga proyektong itinatampok niya ay ang tradisyonal na damit ng mga Ivatan. “One of my projects before is yung traditional clothing ng Ivatan here in Batanes kasi ginagamit ng mga turista for prosperity, illustration, tapos sinasabi nila maganda. Pero, there's more than that kasi yung traditional attires namin is may function talaga at hindi siya maganda lang.” Sa kanyang mga larawan, pinapakita niya na ang kultura ay hindi lang para sa mag mistulang palamuti kundi may malalim na gamit at kahulugan.
Mahigpit din ang kanyang pagkakaugat sa bayanihan—ang pagtutulungan ng komunidad. “I think ‘yung bayanihan culture dito na kapag… let's say may wedding or like merong ginagawang estruktura sa mga bahay-bahay ng mga Ivatan. So, parang lahat ng mga community namin is like nagvo-volunteer to help the people doon. And, ‘yan yung something na hindi, hindi ko nakikita sa iba.” Ang ganitong tradisyon ay isang pahiwatig ng tunay na pagkakaisa at malasakit sa kapwa.
Tungkol naman sa teknolohiya, nakikita ni Hallvard ang malaking papel nito sa pagpapalaganap ng kultura. “Technology, for me, super helpful siya here in Batanes na meron like modern technology, social media. Kasi, parang ginagamit din siya to really share our history to other people.” Ngunit dagdag niya, “mas okay pa rin if may immersion talaga… so parang na-live niyo ‘yung experiences dito.” Para sa kanya, walang kapalit ang personal na karanasan.
Sa kabila ng mabilis na pagbabago, naniniwala si Hallvard na ang pananatili sa tradisyon ay nakasalalay sa aktibong partisipasyon at immersion. “Para mapasa ‘yung tradition namin, we really have to be immersive sa tao. Like, na wine-welcome namin dito ‘pag may mga turista. Dito, hindi lang sila parang tinu-tour for the scenic landscapes here, but to really try to drag them sa mga activities namin para ma-experience nila kung paano ba ang pag-vunung, ang pagiging communal ng mga Ivatans. ‘Yun, immersion lang talaga.”
Sa huli, ang mensahe ni Hallvard para sa kanyang mga kapwa Ivatan ay isang paalala: “Para sa mga kapwa ko Ivatan, let's be true to ourselves and let's connect to our roots kasi… if we don't know how to look back sa pinanggalingan natin, it's easy to get lost.”
Iba-iba man ang naging landasin ng mga hanapbuhay ng mga nakapanayam na Ivatan, iisa ang tinig ng kanilang mga puso—ang mabigyan ng matibay at tapat na pagkakakilanlan ang tubong Ivatan. Sinasalamin nila ang mayamang tradisyon, communal na kaugalian, madiskarteng pamamaraan, at ang di-matatawarang diwa ng bayanihan.