Sa ilalim ng masusing direksyon ni Irene Emma Villamor, na kilala sa mga pelikulang Sid & Aya: Not a Love Story, Meet Me in St. Gallen, at Camp Sawi, isa na namang panibagong paglalakbay na puno ng tapang at pagkamalikhain sa pagtalakay sa kakaibang uri ng pag-ibig ang ipinapamalas ng Only We Know.
Tila isang mapanuring sugal ang isinagawa ni Villamor sapagkat binago nito ang mga karaniwang daloy ng kwento upang tuklasin ang masalimuot at natatanging anyo ng sugatang damdamin. Tampok sina Charo Santos-Concio bilang Betty at Dingdong Dantes bilang Ryan, dalawang indibidwal na nasa magkaibang yugto ng buhay ngunit pinagdurusahan ang iisang anyo ng magkaparehong kirot. Hindi nila inakala na sa gitna ng mga sugat na kanilang pilit itinatago, unti-unti nilang matutuklasan sa isa’t isa ang kakulangang matagal na nilang hinahanap—at sa pagkakatuklas na iyon, unti-unti ring mabubuo ang kanilang pagkatao.
Mga pusong lumaban sa gitna ng kawalan
Si Betty, isang retiradong guro sa literatura, ay isang matapang at matalinong babae na matagal nang hinaharap ang buhay mag-isa. Bilang isang matatag na indibidwal, nasanay na siyang mamuhay nang mag-isa at pamahalaan ang kanyang mga gawain nang walang inaasahang iba. Sa kabila ng kanyang payapang disposisyon, naging sentro na ng kanyang buhay ang pagtuturo, na nagsilbing pundasyon sa kanya sa loob ng maraming taon. Ngunit nang siya’y magretiro, hindi niya naiwasang maramdaman ang isang uri ng kawalan. Gayunpaman, nanatili pa rin siyang matatag sa pagharap sa bagong yugto ng kanyang buhay.
Samantala, si Ryan ay isang masipag at responsableng structural engineer. Unti-unti niyang binubuo ang sarili mula sa trahedyang pagpanaw ng kanyang asawa. Sa kabila ng kanyang panlabas na katatagan, taglay niya ang lalim ng isang taong malubhang nasugatan, ngunit pilit na nagpapatuloy. Masinop sa trabaho at pursigido sa buhay, si Ryan ay dahan-dahang natutong muling buksan ang sarili sa presensya ng iba—sa tulong ng isang ‘di inaasahang pagkakaibigan kay Betty.
Sa pagdaan ng mga araw, naging mas malinaw na ang kanyang lakas ay hindi lamang nagmumula sa kanyang propesyon, kundi sa kakayahang tanggapin ang sakit at harapin ang takot sa buhay.
Pag-ibig na dumating sa ikalawang pagkakataon
Nagsimula ang kanilang kwento bilang magkapitbahay, isang hindi inaasahang ugnayan na unti-unting naging mas malalim sa paglipas ng panahon. Habang ibinabahagi nila ang kani-kanilang hinanakit at kwento sa isa’t isa, natutunan nilang muling tumawa at buksan ang puso sa isang bagay na matagal na nilang inakalang hindi na muling mararanasan.
Sa pag-usbong ng kanilang ugnayan, hindi rin maikakaila ang malaking agwat ng edad sa pagitan nina Betty at Ryan. Masisilayan sa pelikula ang mga sitwasyong nagpapakita ng mga hamon at tanong na karaniwan sa ganitong uri ng relasyon. Isa sa kanila ay unti-unti nang humaharap sa huling yugto ng buhay, habang ang isa nama’y muling natututo at nagtatangkang magpatuloy.
Sa mga simpleng eksena tulad ng saya at lungkot na pinagdaanan ng dalawang tauhan, sumasalamin ang realidad ng mga relasyong maaaring ituring kakaiba sa paningin ng madla, ngunit natatangi para sa dalawang bida. Para sa maraming Pilipino, pamilyar ang ganitong uri ng kwento. Maraming pagkakataong nauuwi sa pagkakaibigan o higit pa ang ugnayan ng dalawang taong magkaiba ang henerasyon. Tulad nina Betty at Ryan, hindi laging kailangang lagyan ng pangalan ang ganitong klaseng koneksyon.
Dito rin umusbong ang isa sa mga pinakatumatak na linya sa pelikula. Sa tanong ni Betty na, “You think we only get one… one great love and that’s it?” Tumugon si Ryan: “Kung totoong isa lang talaga ang great love natin, patay tayong dalawa d’yan.” Agad naman siyang sinagot ni Betty: “Bata ka pa naman. You can have a lot of great loves…”
Sa palitang ito, makikita ang mensahe ng pelikula na ang pag-ibig ay hindi palaging iisa at natatangi lamang. Bagkus, ipinapahiwatig nitong maaari tayong makaranas ng higit sa isang dakilang pag-ibig sa iba’t ibang yugto ng ating buhay. Ito ang mga pag-ibig na magkakaiba ng anyo, lalim, at panahon, ngunit lahat ay mahalaga at makabuluhan.
Pagmamahal na hindi kailangang ipaliwanag
Bukod dito, isa sa mga pinakakaakit-akit na tema ng pelikula ay ang pagtatampok nito ng linyang “friendship as the most romantic kind of relationship.” Sa isang mundong mapanghusga at laging nagmamadaling magtanong ng “Kayo na ba?” pinili ng pelikulang huwag itulak ang kwento patungo sa karaniwang direksyon ng romansa. Sa halip, inilatag nito ang isang mas makatotohanang pagtingin sa kung paano hinaharap ng dalawang tao ang kawalan—sa pagbuo ng isang natatanging koneksyon na tanging sila lamang ang ganap na nakauunawa.
Ipinapakita ng pelikula na may mga relasyong hindi kailangang sumunod sa nakagawian, ito ang mga anyo ng pagmamahal na hindi kailangang lagyan ng “label.” Sa ganitong konteksto, malinaw ang pamagat na Only We Know, dahil may mga damdaming hindi kailanman mailalarawan ng mga salitang “magkaibigan” o “magkasintahan” lang, kundi ng mga interaksyon na minsan, kayo lang ang nakakaalam.
Pag-unlad ng mga karakter sa likod ng eksena
Sa advance screening, ibinahagi ng mga pangunahing artista at ng direktor ang lalim ng kanilang pagdulog sa proyekto. Ayon kay Santos-Concio, inabot ng halos anim na taon bago naisakatuparan ang pelikula dahil sa paulit-ulit na pag-uusap at paghahanda.
“I had several meetings with Direk Irene. I wanted to understand the mindset of a literature professor,” saad niya. Naging masinsinan at bukas sa kolaborasyon ang proseso, at natuwa sila dahil halos sunod-sunod na rin na-shoot ang mga eksena, na nagbigay-daan sa mas natural na pag-unlad ng mga karakter.
Samantala, ayon kay Dantes, patuloy na nabubuo ang mga karakter kahit nasa kalagitnaan na ng produksyon. “I think what’s more important for us as performers is that even on set, patuloy na nabubuo ang character ni Betty at ni Ryan.” Hindi rin niya maiwasang mabuo ang personal niyang koneksyon sa proyekto at sinabi, “After the project, may nahanap akong isang matalik na kaibigan kay Ma’am Charo dahil sa experience namin dito.”
Ipinaliwanag din ni Villamor na mula sa pagsulat hanggang post-production, naging hamon kung paano maipapakita nang maayos at maingat ang malalim na ugnayan ng dalawang tauhan.
“It took so much to restrain because it’s just the two characters. The relationship that only they know,” aniya.
Matapang na pagpapahayag ng pag-ibig
Hindi rin matatawaran ang husay ng teknikal na aspeto ng pelikula. Malinis at malinaw ang sinematograpiya, sapagkat damang-dama ang emosyon sa bawat eksena. Isa sa mga pinakamatimyas na bahagi ng pelikula ay ang paggamit ng kantang “Sariling Mundo” ni TJ Monterde, na dumaloy nang husto kasabay ng mga damdaming binuo ng kwento.
Ang Only We Know ay isang kakaiba at matapang na paglalantad ng pag-ibig na hindi sumusunod sa nakasanayan. Sa halip na ikahon sa mga inaasahan ng lipunan, hinayaan nitong umusbong ang damdamin sa sarili nitong takbo, sapagkat hindi ito ang pag-ibig na kailangang ipaliwanag o lagyan ng "label" upang maging totoo. At sa mga mata ng pelikula, sapat na ang koneksyong iyon para manatiling buo.
Nararapat lamang abangan ng mga manood ang pelikula dahil sa malalim nitong pagtalakay sa komplikadong bersyon ng pag-ibig at sa kahusayan ng mga pangunahing artista sa kanilang pagganap. Isa itong pelikulang puno ng aral at nagbibigay-daan sa mas malalim na pagninilay tungkol sa tunay na kahulugan ng pagmamahal.
Sa paglabas nito sa mga sinehan, mapapaalalahanan tayong hindi kailanman nasusukat sa edad o anumang restriksyon ang tunay na damdamin. Minsan, may mga kwento talagang hindi kailangang maintindihan ng lahat dahil may mga pusong mas pinipiling manahimik, pero tunay na nagmamahal.