Litrato Ni John Candungog
Litrato Ni John Candungog.

Kalayaan 2025: Kasaysayan, kabataan, at kinabukasan


Halina’t muling balikan ang mga makasaysayang kaganapan sa Araw ng Kalayaan na naging pundasyon ng ating kasarinlan. #Kalayaan2025


By Mariah Corpuz | Wednesday, 18 June 2025

Sa pagtitipon ng mga Pilipino mula sa iba’t ibang henerasyon at lalawigan, sama-samang ipinagdiwang ang ika-127 Araw ng Kalayaan noong Hunyo 12 sa Rizal Monument at Quirino Grandstand, sa pamamagitan ng mga programa’t aktibidad na inorganisa ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), taglay ang temang “Kalayaan, Kasaysayan, Kinabukasan.

 

Sinimulan ang makasaysayang araw sa pamamagitan ng pagtataas ng Pambansang Watawat sa Independence Flagpole, na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos. Sinundan ito ng wreath-laying ceremony o ang pag-aalay ng bulaklak bilang paggunita at pagbibigay parangal sa mga bayani ng bansa. Nagpatuloy ang selebrasyon sa pagmamartsa ng iba’t ibang hanay ng pamahalaan, kasama ang mga pagtatanghal na sumasalamin sa mayamang kultura at tradisyon ng Pilipinas.

 

Kasaysayan, handog ng nakaraan

Tampok sa pagdiriwang ang “Parada ng Kalayaan,” na nagpakita ng mga pagtatanghal ng iba’t ibang pista mula sa mga lalawigan ng bansa. 

 

Kabilang sa mga inilahad na pagtatanghal ay ang Tultugan Festival ng Maasin, Iloilo; Dinagyang Festival ng lungsod ng Iloilo; at Maytime Festival mula sa lungsod ng Antipolo. Sa pamamagitan ng makukulay na kasuotan, katutubong kagamitan, at malilikhaing sayaw, matagumpay na naipahayag ng mga kalahok ang mayamang pamana ng kanilang mga komunidad.

 

Kaakit-akit din na bahagi ng parada ang mga malalaking karosa na sumisimbolo sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng bansa tungo sa kalayaan mula sa Koloniyalismong Espanyol. Ilan sa mga ipinakita rito ang Sigaw ng Candon (Marso, 1898), Pagkubkob sa Baler (Hunyo, 1898–1899), Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas (Hunyo, 1898), Sigaw ng Santa Barbara (Nobyembre, 1898), at ang Unang Republika ng Pilipinas (Enero, 1899).

 

Kabataan, tapat sa watawat

Nakakaantig din ng damdamin ang aktibong pakikilahok ng kabataan mula sa iba’t ibang paaralan sa pagdiriwang ngayong taon. Ayon sa NHCP, ang taong 2025 ay idineklara bilang “Year of the Youth in Philippine History” na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng kabataan sa paghubog ng pambansang pagkakakilanlan. Kaugnay nito, marami sa mga dumalong kabataan ay suot ang kanilang uniporme ng Girl Scout at Boy Scout—bilang simbolo ng disiplina, paglilingkod, at pagmamahal sa bayan.

 

“Masaya po kasi mas naaalala namin (kabataan)—kumbaga, parang reminder na rin po ito na ang dami palang nag-sacrifice na mga Pilipino para sa kalayaan natin,” pahayag ni Darlene Diwa, 14 taong gulang na mag-aaral ng Carlos P. Garcia High School, sa panayam ng The Benildean hinggil sa kanyang unang pagdalo sa ganitong pagdiriwang.

 

Bagama’t matagal nang nakamit ng bansa ang kalayaan mula sa mga dayuhang mananakop, ibinahagi ng ilang mag-aaral mula sa Parañaque Science High School ang kanilang saloobin patungkol sa tunay na kalagayan ng kalayaan sa kasalukuyang panahon.

 

“Malaya naman ang bawat Pilipino na makapagpahayag, pero hindi to the point na napakikinggan lahat ng boses,” saad ni Maethan Acidella, 17 taong gulang.

 

“‘Pag titingnan ngayon ‘yung current state of affairs or politics ng ating bansa, pakiramdam ko po, maraming pinagdadaanan ang Pilipinas [kaya] hindi tayo nakakaramdam ng totoong kalayaan,” wika naman ni Aegean Naragas, 17 taong gulang.

 

Ipinunto naman ni Prince Ballesteros, 17 taong gulang, ang pagkakaroon ng “stigma” mula sa mas matatandang henerasyon patungo sa kabataan: “Sinasabi po nila na parang hindi na natin kilala ’yung mga national heroes natin—hindi na po tayo makabayan.” 

 

“Madalas po sa panahon ngayon, ’yung tingin po ng mga matatanda o ng may mga posisyon ay kabataan lang kami. Pero sa tingin ko po, dapat maintindihan rin po nila na kaming mga kabataan ay lumalaki na at nagkakaroon na rin po ng boses para sa kinabukasan ng bayan natin,” dagdag ni Naragas.

 

Gayunpaman, patuloy na ipinapakita ng kabataan ang kanilang ang kanilang pagpapahalaga sa kinabukasan ng bansa sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok at makabuluhang paggamit ng teknolohiya.

 

Wika ni Ballesteros, “Bilang isa sa [mga] batang henerasyon na maalam sa social media [at] sa technology, makakatulong kaming kabataan, sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon at pagsisigurado na kahit anong henerasyon ay marunong [kumilatis] ng totoo at hindi.”

 

Bagama’t magkakaiba ang pananaw ng mga kabataan hinggil sa kalayaang tinatamasa ng bansa sa kasalukuyan, nananatili pa rin ang kanilang pag-asa na may magagawa upang ganap itong makamit.

 

Kinabukasan, hangad ang kalayaan

Habang patuloy na hinaharap ng bansa ang mga hamon ng makabagong panahon, higit na tumitindig ang panawagan para sa isang kalayaang tunay na mararamdaman ng bawat mamamayan—isang kalayaang sumasalamin sa hustisya, kaunlaran, at pagkakapantay-pantay. Para sa marami, ito ang kalayaang dapat isulong ng kasalukuyang henerasyon.

 

“Ang tunay na kalayaan ay nakabatay doon sa ano ang kalagayan ng bayan natin... kailangang ipagkaloob ang tunay na pagbabago, ang tunay na pagsigla ng lipunan,” pahayag ni Arnold Adraneda, 42 taong gulang na isang pampublikong guro at miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) NCR Union.

 

Ang paggunita sa kasaysayan ay hindi natatapos sa selebrasyon. Ito ay panawagan sa mga mamamayan, lalo na sa kabataan, na maging katuwang sa pagsusulong ng makabuluhang pagbabago. 

 

Sa kanilang mga tinig, kilos, at paninindigan, nananatili ang pag-asa na ang Kalayaan 2025 ay magiging simula ng higit pang makatarungan at mapagpalayang bukas para sa sambayanang Pilipino.